Naiinis ako.
Naiinis ako dahil sa tuwing titignan ko ang cellphone ko, wala doon ang pangalan mo.
Naiinis ako dahil sa tuwing pupunta ako ng mall, hindi nawawalan ng Burker King.
Naiinis ako dahil kapag binubuksan ko ang wallet ko, nandun yung lecheng Timezone card.
Naiinis ako kasi sa picture mo pa lang, nalalaglag na puso ko.
Naiinis ako dahil hindi ko kayang hindi marinig yung mga expression mo.
Naiinis ako dahil hindi ko makita ang sarili kong naglalakad mag isa sa mga lugar na magkasama nating dinaanan.
Naiinis ako dahil pagdating sa'yo, nawawalan ako ng laban.
Naiinis ako dahil nasanay akong merong ikaw na sasakay sa mukang tanga kong jokes.
Naiinis ako dahil hindi ako makaisip ng lugar kung saan ay walang alaala mo.
Naiinis ako dahil kung meron mang lugar na ganun, malamang ay hindi ko ito pupuntahan--kase nga wala ka.
Naiinis akong masyado na kitang gusto.
Naiinis ako kasi ang tagal mawala nito.
Naiinis ako sa utak ko.
Naiinis ako dahil akala ko 5 mins lang ang memory nito.
Naiinis ako dahil hindi ko alam kung bakit ko pa sinusulat 'to.
Naiinis ako sa'yo.
Naiinis ako sa'yo dahil napakaganda ng mga mata mo.
Naiinis ako sa'yo dahil kayang buhayin ng ngiti mo ang loob ko.
Naiinis ako sa'yo dahil napakasarap pakinggan ng tawa mo.
Naiinis ako sa'yo dahil sa tuwing hawak mo ang kamay ko, nawawala ako sa mundo ng ilang segundo.
Naiinis ako sa'yo dahil kahit humihiga ka sa balikat ko ng matagal, okay pa din ako.
Naiinis ako sa'yo dahil pagkatapos ng lahat, parang wala na lang ako.
Naiinis ako sa'yo dahil ang dami mong takot-- mga takot na hindi naman dapat ikatakot.
Naiinis ako sa'yo dahil natalo mo yung 5-minute memory ko.
Naiinis ako sa'yo dahil hindi ko na alam.
Naiinis ako sa'yo dahil hindi ka nagsasalita.
Naiinis ako sa'yo, dahil hindi ka naging patas sa akin.
Naiinis ako sa'yo dahil hindi mo nababasa 'to.
Naiinis ako sa sarili ko.
Naiinis ako sa sarili ko dahil masyado kang maganda sa paningin ko.
Naiinis ako sa sarili ko dahil masyado kitang iniisip.
Naiinis ako sa sarili ko dahil bumalik sa pagiging weak yung puso ko dahil lang sa'yo.
Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko kayang isipin na wala namang naging "tayo".
Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko kayang marinig ang tawa mo, sabay makikita kong iba ang may dahilan nito.
Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko maiwasang masaktan sa mga pangyayaring ito.
Naiinis ako sa sarili ko dahil kahit anong sakit pa nito, isang alaala mo lang, bumabalik sa dati ang lahat.
Naiinis ako sa sarili ko dahil magaling ako sa lahat ng bagay, wag lang sa'yo.
Naiinis ako sa sarili ko dahil hinayaan ko ang sarili ko na magkaganito.
Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko to kayang ipabasa sa'yo.
.. At natuklasan niyang ang utak ay madaling lumimot.
Ngunit hindi ang puso.
Ngunit hindi ang puso.